October 09, 2025

Hinggil sa taho


Taho ang pambansang agahan namin ng mga kaibigan ko nung nagko-call center pa kami. Pagpatak ng alas singko ng umaga, diretso agad kami sa labas ng gate sa may Jupiter St. at nakaabang na dun si kuyang magtataho. Madalas nakakadalawang malaking baso ako ng taho, at minsan kahit pag-uwi ko at nakakasalubong ako ng magtataho ay nakakabili’t nakakakain pa. Awa naman ni Lord ay di naman sumasakit ang tiyan ko.

Hindi ko talaga gusto ang taho. Naalala ko nung highschool kahit anong pilit ng tropa kong pakainin ng taho ay sinusuka to talaga siya. Kahit tokwa ayaw na ayaw ko, kasi parang ngumunguya ako ng basang papel. Pero noong lumuwas ako para magtrabaho kinailangan ko siyang kainin. Dahil may mga panahong wala akong pera. At taho, at tokwa ang mura.

Ngayon, gustong-gusto ko na sila. Paborito ko na sila.

Pero sa ngayon ay madalang na lang akong makakain ng taho. Dahil dito sa aming lugar sa probinsiya hindi araw-araw ay may maririnig kang “tahoooooo!” sa kalsada. Kaya naman kaninang may dumaang magtataho, dali-dali akong lumalabas para bumili. Kahit bente pesos ang isang baso niya ay ayos na rin. Choosy pa ba ako.

Share:

0 comments:

Post a Comment